Mensahe mula sa Padre Rehente para sa mga Magsisipagtapos 2019


MENSAHE MULA SA PADRE REHENTE PARA SA MGA MAGSISIPAGTAPOS 2019

Sa inyong pagbaybay sa mahabang taon ng inyong pag-aaral, maaring maraming katanungan na ang pumasok sa inyong isipan. Kaya ko ba ito? Dito ba ako nababagay? Saan ako pupunta mula dito? Maaring hindi miminsan lamang na kayo ay nagkaroon ng agam-agam tungkol sa inyong sarili. Subalit ang minamaliit natin dati ay maipagmamalaki natin ngayon. Ang mga katanungang bumagabag sa ating mga puso ang s’yang naging kasagutan sa ating tagumpay.



Maikli man ang panahon na tayo ay nagkasama, nagpapasalamat pa rin ako sapagkat naging bahagi ako ng inyong paghuhubog, naging bahagi ako ng inyong buhay. Bagamat ito ay isang ‘pagtatapos’, ito din naman ay isang 'panimula' ng marami pang magagandang mga araw na inyong daranasin sa inyong buhay basta’t wag kayong bibitaw sa pagkapit sa Diyos na siyang unang nagmahal sa atin (cf. 1 Jn 4:19). Kaya kayo nagtagumpay ay sapagkat kayo ay nagmamahal.

Hindi lamang tayo nag-aaral upang magkalaman ang isipan, kundi upang magkalaman din ang puso. Pumasok tayo sa Pamantasan upang magkaroon ng maganda at bagong buhay. Inihanda kayo ng Pamantasan sa hamon ng buhay. Kaya dapat din ay matuto kayong magbigay ng buhay. Magiging mabunga lamang tayo kung ang pagmamahal na ating tinanggap ay ibinabahagi natin sa ating kapwa sa paglilingkod sa Simbahan para sa kapakanan ng lipunan at kaunlaran ng sangkatauhan.

Babalik-balikan pa rin natin ang ‘simula’ ngayong inyong ‘pagtatapos’, at ito ay ang katotohanang kayo ay nagmamahal.

Binabati ko kayo, mga anak!

REV. FR. LOUIE R. CORONEL, OP

0 Comments

Follow Me On Instagram