Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
Makapangyarihang Ama, | hindi magaganap ang aming “Pagtatapos” | kung wala kayo | sa simula pa lamang. | Kayo po ang unang nagmahal sa amin | kaya’t kung anuman po ang aming maliit na narating, | ito po ay tugon sa Inyong pagmamahal.
Salamat po sa liwanag ng karunungang pumapawi sa kadiliman ng kamangmangan.
Salamat po | dahil ang kakayahan naming minamaliit namin noon, | ay aming ipinagmamalaki na ngayon.
Salamat po sa di-matingkalang pagmamahal | na gumapi sa aming pighati.
Ilang pagsusulit na po kaya ang aming naitawid? Gaano kahabang pagpupuyat na po kaya ang aming ginugol sa pagsusunog ng kilay? Gaano karaming luha na po kaya | ang sa mga mata nami’y pumatak? Hindi na po baleng hindi namin malaman ang sagot subalit binabalik-balikan lamang po namin ang ‘simula’ ngayong kami’y ‘magtatapos’, sapagkat hindi namin pinanghihinayangang | kami man ay nasaktan, pero hanggang ngayo’y nagmamahal pa rin, | dahil kayo po ang simula at ang wakas.
Ipaunawa po ninyo sa amin | na hindi lamang kami nag-aaral upang magkalaman ang isipan, | kundi upang magkalaman din ang puso. | Nagsusumamo po kaming basbasan ninyo | sa aming pagtatapos na hudyat ng bagong simula ng aming paglilingkod.
Hinihiling namin ito kaisa ni Hesukristong aming Panginoon, na nabubuhay at naghahari | kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
Luwalhati sa Ama, at sa Anak at sa Espiritu Santo | kapara nang sa unang-una ngayon at magpakailanman, | at magpasawalang hanggan. | Amen.
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
0 Comments