PAMBANSANG ARAW NG MGA BAYANI
Isang Pagpupugay sa mga Makabagong Bayani ng Kolehiyo ng Agham
Ika-31 ng Agosto 2020
Maraming mga bayani at lider na ang dumaan sa bukana ng Pamantasan ng Santo Tomás. Sa araw na ito, isang pagpupugay at pagsaludo ang aming handog sa lahat ng mga bayani ng panahong nakalipas at ng makabagong panahon.
Mabuhay ang mga scientists-frontliners, mga alumni, na patuloy na nakikibaka sa panahon ng pandemya malagay man sa panganib ang kanilang kalusugan at buhay! Kayo po'y mga bayani!
Mabuhay ang pamunuan at mga guro ng Kolehiyo ng Agham ng Pamantasan ng Santo Tomás, sa pangunguna ng ating butihing dekano, Prof. Rey Donne S. Papa, PhD, sa pananatiling matatag upang hindi tuluyang malugmok ang edukasyong pang-agham sa kabila ng mga pagsubok. Kayo po'y mga bayani!
Mabuhay ang mga guidance counselors na gumagabay at umaagapay sa mga mag-aaral sa kahit ano pang posibleng paraan. Kayo po'y mga bayani!
Mabuhay ang mga support staff, maintenance at security personnel sa kanilang dedikasyon at determinasyong maihatid, at kung minsan ay maitawid pa, ang kanilang paglilingkod. Kayo po'y mga bayani!
Mabuhay ang mga parents, guardians at benefactors na walang sawang sumusuporta sa kanilang mga anak at mga ginagabayan. Ang kanilang pagpapagod, maidaos lamang ang bawat araw, ay isang matinding inspirasyon para sa aming lahat upang patuloy na magmahal. Kayo po'y mga bayani!
Mabuhay ang mga mag-aaral na hindi nagpatinag sa hamon ng pandemya na ating kinasasadlakan. Sila ay hinuhubog ngayon upang maglingkod sa nalalapit na panahon, subalit ngayon pa lamang ay may papel na na ginagampanan. Mga anak, kayo di'y mga bayani!
Salamat po sa patuloy na pakikibaka. H’wag po kayong bibitaw dahil kumakapit tayo sa isa’t-isa. Malalampasan din po natin ang pandemya. Kapag natapos na ang matinding pagsubok na ito, sama-sama muli tayong magdiriwang, magpapasalamat at maglilingkod sapagkat sa ating kanya-kanyang larangan ipinamalas natin ang kabayanihan! Mabuhay po tayong lahat!
Reb. P. Louie R. Coronel, OP
Rehente, Kolehiyo ng Agham
Pamantasan ng Santo Tomás